maikling pasasalamat kay papa at mama

Naging masaya ako sa mga nakaraang dalawang araw ninyong pagbisita sa amin ni Rom. Sabagay, taon-taon naman nating gawain ito mula nung nanirahan kami dito sa Diliman--tuwing Mahal na Araw, Pasko, o tuwing may bakasyon.

Nagagalak lang ako at nagkasama tayo muli. Kasi bihira na tayo sama-sama kumain sa hapag-kainan lalo na noong nagsimula na akong pumasok sa pamantasan. Higit sampung taon na nga ang lumipas--isang dekada na, biro mo. Madalas nagkikita na lamang tayo kapag may ipagdiriwang na kaarawan o minsa'y kapag maisipan na sama-samang magtanghalian sa Makati.

Maligaya ako na ang sarap ng mga kwentuhan natin, puro tawanan. Kanina lang, tawa tayo nang tawa sa mga litrato na kinuha natin noong ipinagdiwang natin ang ika-dalawampu't siyam na annibersaryo ninyo bilang mag-asawa. Kasama pati natin sina Vyke at Rina noon. Nakakatuwa naman kasi ang mga kuha natin talaga. Napansin ko din 'pag nag-hihiritan at nag-aasaran kayo: si Mama, niloloko si Papa na kadalasa'y paulit-ulit na ang pagtatanong at pagkukwento--parang sirang plaka (kahit ako, sa totoo lang, nakukulitan na din na halong natatawa.); si Papa naman, hinihiritan si Mama na ang bagal kumilos at kinukutya ang sakit niyang mag-ipon ng mga supot at sari-saring bagay na wala naman halos kwenta. Pagkatapos mahiritan ng isa, napapakunot na lang ng ulo o di kaya'y napapailing. Pero hindi naman nauuwi sa alitan.

Hay naku! Nakaligtaan ko pala kayong pasalamatan kanina sa paglilinis ninyo sa bahay--yung mga kasangkapan, mga kwarto, mga sahig at kisame, pati na rin ang banyo. Sana'y huwag ninyong isipin na pasaway kami ng kapatid ko at wala kaming natutunan sa inyo lalo na sa pagpapanatili na malinis at maayos ang tirahan namin. Sana'y huwag ninyong isipin na parang hindi ganyan o walang kinahitnan ang pagpapalaki ninyo sa amin; sa totoo lang, wala kayong pagkukulang sa pagpapalaki sa amin ni Rom. Siguro aaminin namin na minsan kulang talaga ang oras namin maglinis ng bahay. Salamat din sa iyo Mama sa pagluto mo ng napakasarap na adobong baboy. Ngayon alam ko na ang sikreto sa pagluluto nun; at hayaan mo, sa susunod ako naman ang magluluto para sa inyo. Sa sarap ng luto ko makakalimutan ninyo panandalian ang pangalan ninyo.

Ibang galak talaga ang nararamdaman ko tuwing nakikita ko ang pamilya natin na nagsasalu-salo at nagkakasama ulit. Bagama't minsan-minsan lang.

Sa totoo lang, nami-miss ko na kayo. Habang nagpapaalam nga kami ni Rom sa inyo, habang pasakay na kayo ng bus pauwi, iniisip ko na ang pagkikita nating muli. Medyo naghintay pa nga ng ilang segundo ang bus, pero paki ko lang. Paki ko lang kung makita ng ibang tao na hinalikan ko ang mga magulang ko sa pisngi habang nagpapaalam.

Mahal na mahal ko kayo, Papa at Mama. Sa muli nating pagkikita.

[Photo credits: Papa and Mama during their 29th anniversary celebration (Rom De Alban)]

0 comments: